Pahayag 4
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang pintong bukas sa langit, at ang unang tinig na aking narinig, na gaya ng sa pakakak, na nakikipagusap sa akin, ay sa isang nagsasabi, Umakyat ka rito, at ipakikita ko sa iyo ang mga bagay na dapat mangyari sa haharapin. 2Pagdaka'y napasa Espiritu ako: at narito, may isang luklukang nalalagay sa langit, at sa ibabaw ng luklukan ay may isang nakaupo; 3At ang nakaupo ay katulad ng isang batong jaspe at isang sardio: at naliligid ng isang bahaghari na tulad sa anyo ng isang esmeralda. 4At sa palibot ng luklukan ay may dalawangpu't apat na luklukan: at sa mga luklukan ay nakita kong nangakaupo ang dalawangpu't apat na matatanda, na nadaramtan ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga putong na ginto.

5At mula sa luklukan ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga kulog. At may pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan, na siyang pitong Espiritu ng Dios; 6At sa harapan ng luklukan, ay wari na may isang dagat na bubog na katulad ng salamin; at sa gitna ng luklukan, at sa palibot ng luklukan, ay may apat na nilalang na buhay na puno ng mga mata sa harapan at sa likuran. 7At ang unang nilalang ay katulad ng isang leon, at ang ikalawang nilalang ay katulad ng isang guyang baka, at ang ikatlong nilalang ay may mukhang katulad ng sa isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay katulad ng isang agila na lumilipad. 8At ang apat na nilalang na buhay, na may anim na pakpak bawa't isa sa kanila, ay mga puno ng mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang pahinga araw at gabi, na nagsasabi, Banal, banal, banal, ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, na nabuhay at nabubuhay at siyang darating. 9At pagka ang mga nilalang na buhay ay nangagpupuri, at nangagpaparangal at nangagpapasalamat sa nakaupo sa luklukan, doon sa nabubuhay magpakailan kailan man, 10Ang dalawangpu't apat na matatanda ay mangagpapatirapa sa harapan niyaong nakaupo sa luklukan, at mangagsisisamba doon sa nabubuhay magpakailan kailan man, at ilalagay ang kanilang putong sa harapan ng luklukan na nangagsasabi, 11Marapat ka, Oh Panginoon namin at Dios namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng kapurihan at ng kapangyarihan: sapagka't nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nangagsilitaw, at nangalikha.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Revelation 3
Top of Page
Top of Page