Pahayag 5
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak. 2At nakakita ako ng isang malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, Sinong karapatdapat magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito? 3At sinoman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ay hindi makapagbukas ng aklat, o makatingin man. 4At ako'y umiyak na mainam, sapagka't hindi nakasumpong ng sinomang marapat magbukas ng aklat, o makatingin man: 5At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito.

6At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios, na sinugo sa buong lupa. 7At siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan. 8At pagkakuha niya ng aklat, ang apat na nilalang na buhay at ang dalawangpu't apat na matatanda ay nangagpatirapa sa harapan ng Cordero, na ang bawa't isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na puno ng kamangyan, na siyang mga panalangin ng mga banal. 9At sila'y nangagaawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, Ikaw ang karapatdapat na kumuha ng aklat, at magbukas ng mga tatak nito: sapagka't ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa't angkan, at wika, at bayan, at bansa. 10At sila'y iyong ginawang kaharian at mga saserdote sa aming Dios; at sila'y nangaghahari sa ibabaw ng lupa.

11At nakita ko, at narinig ko ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng luklukan at ng mga nilalang na buhay at ng matatanda; at ang bilang nila ay sangpung libong tigsasangpung libo at libolibo; 12Na nangagsasabi ng malakas na tinig, Karapatdapat ang Cordero na pinatay upang tumanggap ng kapangyarihan, at kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at kapurihan, at kaluwalhatian, at pagpapala. 13At ang bawa't bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito, ay narinig kong nangagsasabi, Sa kaniya na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at kaluwalhatian, at paghahari, magpakailan kailan man. 14At ang apat na nilalang na buhay ay nagsabi, Siya nawa. At ang matatanda ay nangagpatirapa at nangagsisamba.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Revelation 4
Top of Page
Top of Page