Ezekiel 2
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako'y makikipagsalitaan sa iyo. 2At ang Espiritu ay sumaakin nang siya'y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin. 3At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, sinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa mga bansa na mapanghimagsik, na nanganghimagsik laban sa akin: sila at ang kanilang mga magulang ay nagsisalangsang laban sa akin, hanggang sa kaarawan ngang ito. 4At ang mga anak ay walang galang at mapagmatigas na loob; sinusugo kita sa kanila: at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios. 5At sila sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila (sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan), gayon man ay matatalastas nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila. 6At ikaw, anak ng tao, huwag matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman maging mga dawag at mga tinik ang kasama mo, at bagaman ikaw ay tumatahan sa gitna ng mga alakdan: huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manglupaypay man sa kanilang mga tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan. 7At iyong sasalitain ang aking mga salita sa kanila, sa didinggin, o sa itatakuwil man; sapagka't sila'y totoong mapanghimagsik.

8Nguni't ikaw, anak ng tao, dinggin mo kung ano ang sinasabi ko sa iyo; huwag kang mapanghimagsik na gaya niyaong mapanghimagsik na sangbahayan; ibuka mo ang iyong bibig, at iyong kanin ang ibinibigay ko sa iyo. 9At nang ako'y tumingin, narito, isang kamay ay nakaunat sa akin; at narito, isang balumbon ay nandoon; 10At ikinadkad niya sa harap ko: at nasusulatan sa loob at sa labas; at may nakasulat doon na mga taghoy, at panangis, at mga daing.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Ezekiel 1
Top of Page
Top of Page